Buwan Ng Wika Tema 2013 Essay Contest

“Wika natin ang daang matuwid” ang naging tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika

Bilang paggunita sa kahalagahan ng ating sariling wika, idinaos sa kolehiyo ang taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa na may tema para sa taong ito na “Wika natin ang daang matuwid”.Nakapaloob dito ang kapangyarihan ng wikang Filipino na tumatagos sa iba’t-ibang sektor ng lipunan,na sa kabila ng pagkakaiba-iba ay nanatili ang pagkakaisa dahil sa wikang Filipino ang tinig ng ating kultura, kasaysayan at pagkatao.

Layunin ng pagdiriwang na mapaigting ang paggamit ng wikang Filipino sa matuwid at mabisang pagpapahayag at komunikasyon tungo sa bisyon ng matuwid na daan ng dangal at kaunlaran.

Kabahagi ang mga mag-aaral at kaguruan ng Kolehiyo sa ibat-ibang patimpalak na isinagawa gaya ng paggawa ng islogan at poster, pagsulat ng tula at sanaysay, dagliang talumpati at deklamasyon at tagisan ng talino na siyang nagbigay kahulugan sa pagdiriwang ng buwan ng wikang Filipino.

Isang masaya at makulay na palatuntunan din ang idinaos noong ika-23 ng Agosto na pinangunahan ni Dr. Esmeralda S. Escobar bilang Panauhing Tagapagsalita.Pinatingkad ang okasyon ng mga makukulay at magagandang kasuotang Pilipino ng mga mag-aaral, guro at kawani na buong pagmamalaki nilang itinampok. Nagkaroon din ng paligsahan para sa masining na pagsasatao, masining na pagkukuwento, isahan at dalawahang pag-awit at katutubong sayaw na aktibong nilahukan ng mga mag-aaral.

Natapos ang programa sa pag-aanunsyo ng mga nanalo sa iba’t-ibang paligsahan. Samantala hinirang na Lakan si G. Celso P. Resueño at Lakambini naman si Bb. Sunshine Grace F. Cabatan para sa kategorya ng guro at kawani dahil sa kanilang Pilipinong kaanyuan,kaakmaan ng kilos at gawi, tindig at tikas, at sa mahusay ng pagdadala ng kasuotan at ng sarili.

Ang pagoorganisa sa nasabing pagdiriwang ay pinangunahan ng Panrehiyong Sentro sa Wikang Filipino(PSWF-III)at Samahan ng mga Nagdadalubhasa sa Filipino (SANFil) sa pakikipagtulungan ng buong pamilya ng Kolehiyo kabilang ang mga mag-aaral, kaguruan at administrasyon. (CPanlilio)

This entry was posted in Activities, Awards and Recognition, Bazal Campus, Casiguran Campus, Events, News, People, Zabali Campus. Bookmark the permalink.

 

Pinangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang temang Wika Natin ang Daang Matuwid para sa taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa Agosto, alinsunod sa Pampanguluhang Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997.

Kinapapalooban ng tema sa taóng ito ang kapangyarihan ng wikang Filipino na tumatagos sa iba’t ibang sektor ng lipunan at sa lahat ng uri ng pamumuhay. Nananalig ang KWF na sa kabila ng pagkakaiba-iba ay nagkakaisa tayo dahil sa wikang Filipino ang tinig ng ating kultura, kasaysayan at pagkatao. Dahil sa ating pagkakabuklod, ito ang isa sa mga kasangkapan tungo sa bisyon ng matuwid na daan ng dangal at kaunlaran.

Hinati din ang pangkalahatang tema sa taóng ito sa sumusunod na diwa ayon sa medium term plan ng KWF:

  • ANG WIKA NATIN AY WIKA NG KATARUNGAN AT KAPAYAPAAN
  • ANG WIKA NATIN AY LABAN SA KATIWALIAN
  • ANG WIKA NATIN AY SANDATA LABAN SA KAHIRAPAN
  • ANG WIKA NATIN AY WIKA NG MABILISAN, INKLUSIBO AT SUSTENIDONG KAUNLARAN
  • ANG WIKA NATIN AY WIKA SA PANGANGALAGA SA KALIGIRAN

Hinihikayat ang madla na aktibong makilahok sa mga programang inihanda para sa taóng ito. Pinakatampok sa Buwan ng Wika ang Pambansang Kongreso sa Wika na gaganapin sa Agosto 19-21, 2013. Ang kongreso ay inaasahang daluhan ng mga dalubhasa sa iba’t ibang larang upang talakayin ang mga napapanahong isyung kinakaharap ng wikang Filipino at mga kapatid na wika nito sa bansa. Nagtipon din ng mga programa at proyekto ang KWF para sa pagdiriwang sa taóng ito sa paglulunsad ng opisyal na Pambansang Programa, mula sa iba’t ibang mga pamantasan sa buong Filipinas. Kasama na rin sa hanay ng mga programa ang timpalak sa pagsulat na Gawad KWF sa Sanaysay at ang parangal sa Dangal ng Wikang Filipino na kapuwa taon-taong nagpupugay sa mga indibidwal na nag-ambag para sa pagyabong ng wikang Filipino.

Ang KWF ang natatanging ahensiyang pangwika sa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo ng Filipinas. Itinatag sa pamamagitan ng Batas Republika Blg. 7104 ng 1991, inaatasan itong “tiyakin at itaguyod ang ebolusyon, pagpapaunlad at pagpapayaman pa ng Filipino na wikang pambansa ng Filipinas, batay sa umiiral na mga wika ng Filipinas at iba pang wika.”

 

panitikan

0 thoughts on “Buwan Ng Wika Tema 2013 Essay Contest

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *